Bukas na Tugon sa mga Post at Komento ng St. Gerrard Construction
[Pasensiya na kung sinasapubliko ko na ito, pero sa palagay ko mas mabuting inilalahad ang lahat. Para na rin sa proteksyon ko, dahil ilan beses na akong binabaliktad ng iba pag dating sa mga bagay katulad nito. Pwedeng scroll up na lang po muna yung iba hehe.] OPEN RESPONSE TO THE POSTS/COMMENTS OF MR. CURLEE DISCAYA AND MS. CEZARAH ROWENA DISCAYA OF ST. GERRARD CONSTRUCTION Lagi niyong sinasabi sa mga tao na pinahihirapan o iniipit kayo… Di niyo ba naiisip na baka nahihirapan kayo sa ibang bagay dahil may mali KAYO?? Example 1: Sabi niyo sa comment may "inutusan" kayo na LGU employee at nagastusan niyo ang paglakad ng papel? Ito ba ay pag-amin na may FIXER kayo at may sinusubukan kayong LAGYAN para lumusot ang papeles niyo? Kung ganun ay mabuti naman at hindi umuubra. ( at kung malaman ko rin kung sino yung sumusubok mag-fixer, tatanggalin ko siya sa LGU.) Example 2: Gusto niyo magtayo ng Commercial Buildings sa isang Residential zone. Tandaan, nauna ang zoning nun bago ang pagbili niyo sa mga lote! Sa comment niyo, parang obligado ang mga PasigueƱo na baguhin ang zoning para sa personal na interes ninyo.. Wow… (Note: strikto ang Pasig sa zoning ngayon, dahil yung dating maluwag na implementasyon ang sanhi ng marami nating problema.) Example 3: Yung malaking Commercial/Office Building niyo sa Bambang, may lumabas na Locational Clearance nung 2018– questionable dahil Residential zone dun. NGUNIT dahil may permit na from previous admin, nirespeto't kinilala namin ito. KASO LANG, nakakuha na nga kayo ng Bldg Permit para sa lote na iyon, IBA PA ANG PINATAYO NIYO kaysa sa aprubado! Ang nasa permit, L-shaped structure na 4-floors; pero ang pinatayo niyo halos ka-level ng office ko na 8th floor at may parking building na wala rin sa plano. "Inaayos na naman" daw ang bldg permit– una alam niyong bawal yung ihahabol na lang ang permit, pangalawa bawal nga sa zone. Syempre ang susunod na problema niyan ay occupancy at business permit, tapos panibagong paratang nanaman sa mga taong ginagawa lang ang trabaho nila. Example 4: Sa isa pang lote niyo, patuloy ang construction kahit na walang building permit . Nabigyan na rin naman kayo ng mga warning para tumigil, sinubukan kong ipabulong muna sa inyo para di na kayo mapahiya, pero sige lang kayo ng sige. May iba pa. Inamin din naman ng inyong compliance officer at engineeer ang ibang violations niyo sa akin mismo kanina (1/25/24). Kung iba ang negosyo niyo baka maintidihan ko pa eh, pero "Quadruple A" contractor kayo, isa sa malaking kontratista sa bansa, ano ang excuse ninyo? Hindi po kayo biktima rito at hindi kayo pinahihirapan. Kung naiipit kayo sa Legal Requirements, baka naman kayo rin mismo ang may pagkukulang o pagkakamali. Isa sa patunay na hindi kayo iniipit– diba malaya kayong nakaka-bid at nananalo pa nga ng kontrata sa LGU? Sa permits naman, pag maayos requirements niyo (gaya nung demolition permit sa isa niyo pang lote), binibigay naman ng tama diba? Kaya wag niyo na rin pilitin na gawin "political issue" ito. Kasi kung politika lang iisipin ko eh di pagbibigyan ko na kayo. Pero hindi, kasi tungkol ito sa batas at sa interes ng nakararami. Sa Pamahalaan ng Pasig, pareho ang batas para sa mayaman at mahirap. Sa trabaho ko naman, patas ako sa lahat, maging sa kaaway o sa kakampi. Pero ibig din sabihin, pag mali, mali. Kung gusto niyo akong kausapin, walang problema. Baka may di kayo naiintidihan, ipapaliwanag namin ng mga technical staff ng LGU sa inyo. Madali naman hanapin opisina ko o office email ko, marami din tayong common na kakilala. Hindi ko kayo pinapatawag ah, pero nagsabi kayo sa post na gusto niyo akong makausap. Pero kung sakaling kakausapin niyo ako dapat dalawa kayo, kasi pareho naman kayong may sinasabi. Salamat kung binasa niyo ito. Makakaasa naman kayo na pag dating sa trabaho ng LGU, wala pa rin personalan ito. Kung ano ang nasa batas at maganda para sa lungsod, dun lang tayo.